11.5.2017 -
11:51PM
Magigising
ng maaga, papasok sa school, dadaan sa Chapel,
magtuturo, makikipagsalamuha sa iba’t ibang klase ng tao sa buong araw,
haharapin ang sandamakmak ng mga papel, kakausapin ang sarili, tititigan ang
laptop, uuwi ng gabi, magpapahinga saglit, maghahanda para sa kinabukasan,
iisipin kung ano ang gagawin sa klase, magbabasa ng lessons, tatahimik ng ilang
saglit, kukumustahin ang sarili bago matulog. 'Yan lang ang ilan sa madalas kong
gawin araw-araw. Paulit-ulit. Minsan masaya pero kadalasan nakakapagod at
nakakasawa na.
Halos tatlong taon na ako sa pagtuturo at
masasabi kong masyado pa akong bata sa propesyong ito at madami pa akong
kailangang basahing libro para maging bihasa sa pagtuturo. Kadalasan, may
naiiwang katanungan sa aking isipan sa mga pagkakataong napapag-isa ako
pagkatapos ng mahabang araw sa school, “Masaya pa ba ako? Gusto ko pa ba ang
pagtuturo? May patutunguhan pa ba lahat ng ginagawa ko?” Pero tulad ng
inaasahan, wala akong makuhang sagot sa dami ng aking katanungan. Gaya ng dati,
kailangan ko paring gawin ng maayos ang trabaho ko at pagbutihin ito kasi sa
ayaw at sa gusto ko mas kailangan ko ng trabaho higit sa mas kailangan ako ng
trabaho ko.
Alam kong bata pa ako at likas sa akin ang
mabilis mabagot sa isang bagay. Mabilis magsawa at sumuko pag pagod na. 'Yan
ang madalas kong nararanasan araw-araw. Walang araw na hindi ako pagod at hindi
nagrereklamo. Kulang na lang murahin ko ang lahat ng tao sa isip ko dahil
sawang sawa na ako sa nangyayari sa buhay ko. Aaminin ko na naging sunod-sunuran
na lamang ako sa kung anong gusto ng pagkakataon na gawin ko. Wala na akong
sapat na lakas para magprotesta pa. Sunod na lang sa agos, talagang ganyan ang
buhay. Mahirap pakisamahan pero kailangan.
Minsan naiisip ko na umalis na lang ng walang
paalam at hanapin ko kung saan talaga ako nababagay. Pero kadalasan mas
nananaig ang kaduwagan sa aking sistema at hinahayaan na lang ang lahat na kahit
alam ko na sa huli ako lang din ang talo.
Kung ako lang ang masusunod at wala akong
pamilyang iniisip, hindi ko gugustuhin ang anumang meron ako at sino ako
ngayon. Malayo sa kung ano ang ginagawa
ko ngayon sa kung ano talaga ang gusto kong gawin sa buhay. Bata pa lang ako,
alam ko na iba ako mag-isip kumpara sa mga kalaro at kaklase ko. Madalas may
sarili akong mundo at ninanais kong mapag-isa upang makipa-diskusyon sa sarili. Hindi ako yung tipikal na bata na nakikita mo sa kanto na naglalaro ng basketball,
habulan at kung ano ano pa. Naglaro din naman ako pero para lang masubukan at
may maikwento naman ako sa sarili ko at mabalikan pagdating ng panahon. Madalas
akong mapagalitan dati dahil puro libro, papel at ballpen ang hawak ko
maghapon. Nasasabihan ako ng tamad, walang kwenta at madalas napapalo dahil sa
mga kagustuhan ko na hindi nila maintindihan. Kaya siguro lumaki ako na malayo
ang loob sa pamilya. Hindi ako nasanay na magkwento sa kanila sa kung
anong nangyayari sa buhay ko. Wala akong matandaan ni isang pagkakataon kaya
madalas 'di palagay ang loob ko pag kausap ko sila. Parang iba akong tao na
asiwa sa kung anong meron sa paligid ko kahit sa mismo kong pamilya. Kaya
karamay ko ang papel at lapis sa tuwing wala akong makausap at sawa na akong
kausapin ang sarili. Lahat ata ng pwedeng basahin, nagagamit ko at
napapakinabangan. Paraan ko 'yon upang maglakbay ang mapaglaro kong isipan at
makalimutan ang lahat ng aking pinagdadaanan. Kaya ibang iba ako sa lahat nung
bata ako at nadala ko 'yon hanggang sa paglaki ko. Pero lingid sa kaalaman ng
lahat, labis ang pagmamahal ko sa mga taong pinapahalagahan ko, 'di ko lang ito
ipinapakita pero mahal na mahal ko sila.
Isa sa mga pinakagusto kong gawin ay ang mag-aral
at tumuklas sa mga iba’t-ibang bagay kaya 'di ko alam kung anong nangyari sa akin
nung High School at nawalan ako ng gana. Meron 'yung sa isang lingo, dalawang
beses lang ako papasok. Cutting classes, half-day, walang assignments, mababa
ang quizzes, walang projects at bagsak sa iba’t ibang subjects. 'Di ko na kilala
ang sarili ko nun, ibang-iba sa kung ano ako dati. 'Yung Math na paborito ko
naging kahinaan ko. Siguro dahil naging biktima ako ng isang di sinasadyang ‘korapsyon’
sa paaralan nung elementarya ako. Ngayon ko lang 'to sasabihin at ni minsan wala
akong pinagsabihan kaya ilang taon ko ding kinimkim. Kilala ako nun nung
elementary dahil ako ang isa sa pambato ng school sa Math Quiz Bee o MTAP.
Madalas manalo pero sa mga panahong yun wala parin akong bilib sa sarili ko.
Naaalala ko din, Grade 6 natalo ako sa MTAP, 3rd place lang ata ako
at 1st place lang ang mag-aadvance sa next contest. Sa
mura kong edad nun, dinibdib ko 'yon at lihim akong umiyak na parang naniwala
ako sa sinabi ng iba na wala akong alam sa Math. Pero di rin nagtagal at hinayaan
ko nalang. Sa klase di lang naman ako sa
Math magaling dati, may alam din ako sa ibang subjects kaya nasasali sa Top 5.
Grade 6, umasa ako na kabilang ako sa honor roll kasi consistent honor student
ako. Pero ibang iba sa inasahan ko ang nangyari. Di ako nakasali sa Top 5, masakit ang loob ko 'nun. Di
na ako nagtanong kasi wala namang patutunguhan. Inisip ko na lang na siguro
kung mayaman kami o guro din ang mga magulang ko, nasali parin ako sa Top 5.
Pero ang mas masakit 'yung pinaghirapan mo ng ilang taon na bigyan ng karangalan
yung school ninyo, may kahati ka pa sa award. Ang saya diba? Umiyak ako mag-isa
at nawalan ng tuluyan ng tiwala sa aking sarili. Hanggang ngayon hindi alam ng
mga magulang ko ang nangyari at hanggang ngayon dala dala ko parin ang sakit ng
pagkabigo nung panahong iyon. Kaya nung high school, nawalan ako ng interes kasabay nun ng pagkawala ko ng tiwala sa mga guro. Naging
patapon ako na estudyante, kunwari may sakit ako pero ang totoo wala lang akong
gana na pumasok. Minsan naman papasok ako pero pagagalitan lang din ng teacher
at mas lalong mawawalan ng ganang mag-aral. Nagpatuloy ako hanggang 2nd
year pero mas lumala dahil wala na akong pakialam sa mga grado ko. Kung hindi
blanko, madalas palakol. 'Yung Math na pinakagusto ko, 'di ko na maintindihan at
madalas ng mapahiya sa harap dahil 'di alam sagutan ang simpleng Math problem.
Nakakatawa lang isipin. Sinabi kong babawi na ako next year kasi alam ko naman
sa sarili kong hindi ako bobo. Pero
naging malaking pagsubok sakin nung 3rd year high school ako kasi
wala na akong makapitan, ubos na ang alas ko. Wala na akong rason para pumasok.
Naghalo-halo na. Problema sa bahay, sa school at sa sarili ko. Unang buwan,
maayos pa. Akala ko makakabawi na ako, matataas ang quizzes at naiintindihan na
ang lessons. Mahal ko na ulit ang Math. Pero bumalik ulit ang sakit ko, tinamad
na naman ako. Ayaw ko na naman pumasok. Nawalan na ako ng tuluyan ng interes sa
pag-aaral. Dun ko sinabi sa sarili ko na, ‘ayaw ko na. 'Di ko na matandaan kung
paano ko sinabi sa mga magulang ko na ayaw ko ng mag-aral. Matigas ang ulo ko, ayaw ko ng mag-aral at di
ako napilit. Kinumbinsi nila akong lumipat ng school pero buo na noon ang
desisyon ko. Kailangan ko lang ng hangin upang huminga sa makamundong aking ginagalawan. Kung
magpapatuloy ako, walang mangyayari. Mas lalo akong malulugmok at mababaon
hanggang sa di na ako makabangon. Tumigil ako at nag-isip isip. Tulad ng dati,
papel, ballpen at mga libro ang mga karamay ko
nung mga panahong yun. Lahat ng hinaing ko at naiisip ko ay sinusulat
ko. Pinilit kong magbago. Di ako nagkamali kasi sa mga panahong lugmok ako dun
ako hindi sinukuan ng pamilya ko at dun ko mas lalong nakilala ang Diyos. Nung
mga panahong 'yon, di ako masyadong lumalabas ng bahay kasi nahihiya ako sa
sarili ko. Nahihiya at naiinggit dahil ang mga kaibigan ko ay masaya na
pumapasok sa school at masaya parin na umuuwi galing sa school. Pinilit kong
kinubli ang sarili ko sa mga mapang-husgang mata at makakating dila. Kailanman, 'di nila ako maiintindihan. Nagpatuloy lang ako sa pagtuklas kung paano ako
makakabangon muli kaya naisipan kong kailangan kong harapin ang buhay at 'wag
kong hayaang magpatalo sa mga problema. Pinilit kong ngumiti kahit di ito bukal
sa aking kalooban. Nabawi ko ang lakas ko at nagpatuloy sa pag-aaral. Parehong
paaralan at mga taong naging rason ng aking pagbagsak at pagbangon. Sobrang
hirap nung unang araw akong pumasok. Parang bago ang lahat. Nakita ko sa mga
mata ng mga dati kong kaklase ang pagkamangha kasi bumalik ako pero mas nanaig
ang panghuhusga. Kinaya ko lahat ng 'yun kahit pahirapan ang humabol sa kanila
di na ako pinanghinaan ng loob. Naging magandang simula at nagtuloy-tuloy.
Biglang bawi. Nagkaroon ng kaibigan. Minahal ang pag-aaral at sa wakas
naramdaman kong muli ang saya ng pagiging estudyante. Nagkaroon ng bonus,
naging consistent honor student pa. Akala ko okay na ako, pwede na naman. Pero
nagkamali ako, 4th year high school bumalik lahat. Parang ayoko na
ulit kasi nagkaroon ng problema sa pamilya. Akala ko matapang na akong harapin
lahat pero hindi pa pala. Iba 'to ngayon kasi hindi na lang 'to dahil sa sarili
ko kundi sa pamilya ko. Sobrang naghirap kami pero pinilit kong pumasok sa
school kahit pamasahe lang ang meron ako. Okay lang na wag ng kumain, di naman
kailangan. Di naman halata at malalaman. May mga pagkakataong 'di talaga
makapasok kasi walang wala pero okay lang nakakahabol naman sa lessons. Hindi
nagtagal at medyo naging okay kami, nawalan ng pag-asa pero humugot ng rason
para lumaban. Madaming nangyari nung 4th year high school ako na
nagbigay kulay kahit papaano sa high school life ko. Sumali sa essay contest at
naging second place, napasama sa Youth Ministry at nagbalik loob sa Panginoon,
nagkaroon muli ng jowa (yieeh), naging Mr. Senior at Male Star of the
night nung JS prom (hahaha), naki-contest sa Division Science Super Quiz Bee at
nag-3rd place (yahoo!), sumayaw at kumanta sa harap ng klase (eto
ang nakakahiya), nakipagsuntukan sa kaibigan ko at nagkabati lang din agad,
naperfect ang final exam sa English at muling minahal ang buhay. Basta maraming
nangyari kaya masaya nung graduation kasi 'di ko inasahan na masasali pa ako sa
honor graduates. Ang saya nun! Yey! Nasabi ko nun sa sarili ko na nakabawi na
ako.
Bakit ko nakwento lahat ng nasa itaas? Para
malaman n'yo na hindi ako perpektong estudyante pero pinilit kong maging isang
mabuti at mabait na tao. Mabalik tayo sa una, bakit nga ba ako naging guro? Sa
totoo lang, hindi ko alam. Basta di ako pinayagan ng mga magulang ko sa
pagpapari at nung enrollment kasabay ko 'yong crush ko, Education kinuha n'ya
kaya ayun nalang din kinuha ko kahit sana Engineering ang gusto ko. Nung una
masaya kasi nakikita mo siya araw-araw, nagiging parte ka ng buhay n'ya at
napapangiti mo s'ya pero hindi lang pala tungkol dun kung bakit kailangan kong
mag-aral. Higit sa mga 'yon, kailangan kong pagbutihan hindi para lamang sa
ibang tao kundi para sa sarili ko. Nahirapan ako, sobra. Pero hindi ako sumuko
kasi kahit napilitan ako nung una, natutunan ko na din kung paano mahalin ang
kurso ko. Sa bawat paglipas ng araw, napagtanto ko na masarap maging isang
ganap na guro dahil sa mga estudyante at dahil sa isipan na parte ka sa
paghubog sa kanilang pagkatao at pag-abot ng kanilang mga pangarap. Yun ang
buong akala ko..
Habang sinusulat ko ‘to, nagtatalo parin sa isip
ko kung magpapatuloy ako sa napili kong propersyon. Kung patuloy kong lokohin
ang sarili ko na gusto ang ginagawa ko. Kung pwede pa akong magsinungaling at
ipagpilitang kaya ko pang tiisin ang lahat ng ito. Mahirap magdesisyon sa
kaalamang walang kasiguraduhan ang lahat. Sa huli, alam ko na kailangan kong
pumili at panindigan ang magiging desisyon ko.
Pagod lang ba ako o di na ako nababagay sa daang
tinahak ko?
Comments
Post a Comment