“Nakakainis! Ang daming
ginagawa. Ang hirap mag-aral.” Ilang beses ko na yan narinig sa araw na ito.
Halata mo sa mga mukha ng mga estudyante na nahihirapan sila. Walang katapusang
requirements. Paubusan ng allowance dahil sa dami ng kailangang bilhin,
madaming kailangang bayaran. Palakihan ng eyebags dahil kailangang tapusin ang
lahat ng mga paper works bago matulog. Pagod. Puyat. Gutom.- yan ang mundo ng
mga estudyante tuwing Final Term. Para silang de-bateryang robot na walang
tigil na nagtatrabaho. Para silang de-bateryang robot- nauubos din ang enerhiya
at lakas. Ganunpaman, hindi uso sa kanila ang sumuko. Bawal ang talunan.
Kakayanin ang lahat, makapagtapos lang. Kahit pinagpapawisan na sa pagsagot sa
napakahirap na Math Problem, maiisip lang ang hirap at sakripisyo ni Nanay at
Tatay bigla yan tatayo at sasabihin, “Kaya ko to!”.
Mahirap talagang maging
estudyante. Para kang langgam na pilit mong binubuhat mag-isa ang isang buong
candy na nahulog lamang ng batang naglalaro.Wala kang magagawa kundi gawin ito
at buhatin mag isa. Kasi kung di mo yun ginawa- walang mangyayari. Magugutom
ka. Gutom sa karunungan. Ganunpaman, tulad din ng langgam, uso ang humingi ng
tulong sa kapwa. Kung di mo na talaga kaya, mayroon kang mga kasama na handang
tumulong sa’yo at naiintindihan ang kalagayan mo. Kasi tulad nila, nahihirapan
na rin sila. Ngunit wala sa bokabularyo nila ang sumuko gagawin nila hangga’t
kaya nila.
Ako, mahigit isang dekada
na akong naghahanap ng kasagutan sa maraming katanungan na nabubuo sa
aking isipan habang ako’y naglalakbay sa mundong puno ng misteryo. Isang dekada
na, ngunit ngayon at nasa Ikatlong taon na ako sa kolehiyo parang paubos na rin
ang lakas ko. Para na rin akong isang lumang robot na paubos ang baterya at
kailangan ng palitan ng bago. Para narin akong langgam na pilit kinukubli ang
sarili para lamang di maapakan ng malalaking nilalang.
Minsan natanong ko sa
sarili ko kung bakit ang payat ko na. Pero nauwi lang sa wala ang katanungang
yon na matagal ng naglalaro sa aking isipan. Kasi ako mismo di ko masagot ang
katanungang yon. Naalala ko, minsang naglalakad ako sa plasa mag-isa ng biglang
nakasalubong ko ang dati kong kaklase nung high school, syempre tulad na dati
papansinin mo yung kaklase mo. Dahil aminin mo man o hindi may sigla sa puso mo
tuwing nakikita mo yung mga dati mong kaklase. Bigla mong maaalala lahat
ang mga gawain niyo noon. Nakakatuwa lang balik-balikan. Tinawag ko siya
at nilapitan. Nung magkalapit na kami, kinumusta ko siya. Pero halata kong
nagulat siya, yung ekspresyon ng kanyang mukha at mga matang parang nagtatanong
na, “Sino ka?” Hinintay ko yung sagot niya habang di niya pa rin inaalis ang
tingin niya sa akin at pilit parin akong inaalala- kung sino na ba kasi ako?
“Huy!” pukaw ko sa kanya at sabay sabing ,”ako to! Oy, si Ferdinand”. Pagkasabi
ko nun, tumawa siya sabay tingin ulit sa akin at natigilan .
Bago ako nag-paalam sa
dati kong kaklase, madami muna kaming napagkwentuhan. Tawanan kami habang
inaalala yung mga kalokohan naming nung highschool. Nung naglalakad na ako
paalis, napagtanto ko –bakit di ako nakilala agad ng dati kong kaklase? Ganun
na ba talaga ako kapayat? Huminto ako saglit at parang timang sa gilid ng kalye
na tinitignan ang sarili. Oo nga no ang payat ko na, di tulad dati. Paano naman
ako makikilala agad ng dati kong kaklase kung ganito na ako kapayat
ngayon at naka-eyeglasses pa. Siguro kasi madaming ginagawa kapag college ka
na. Wala ng papetiks petiks pa. Seryosohan na. tulad ngayon, Final term na
naman. Di ko nga alam kung anong uunahin kong gawin sa dami ng requirements. Sa
pag-iisip ng kung anong uunahin, nauuwi lang sa wala ang lahat. Walang
natatapos. Ganunpaman, wala pa rin akong option. Kailangan ko talagang simulan
at tapusin ang mga requirements gaano man kahirap ito gawin.
Nung
minsan nadako yung mata ko sa kalendaryo, naisip ko ilang linggo na lang pala at
Final Exam na. Yeheey! Bakasyon na- summer break. Pero bago magdiwang,
kailaingan munang tapusin ang mga requirements ant ipasa ang mga exams. Basta naniniwala
ako na matatapos din lahat to at kakayanin lahat. Kasi alam ko na mayroong
isang Diyos na hindi ako iiwan at kailanman di pababayaan. Sa panahon na ako’y
pagod, tuliro at kailangang mapag-isa, isa lamang ang takbuhan ko. Ito yung
pinakapaborito kong lugar sa school. Dito ako nagiging payapa kahit papano. Dito
ko nagagawang ngumiti kahit sa kabila ng madaming alalahanin-ang University
Chapel. Dito, nagiging payapa ang kalooban ko. Ang gaan sa pakiramdam na
mayroong nakakaintindi sa kalagayan mo. Si
Hesus- Siya ang best friend ko. Ang tagapagligtas ko at madalas na takbuhan
ko. Sa kanya ako humuhugot ng lakas kapag hinang hina na ako. Siya ang dahilan
kung bakit patuloy parin akong lumalaban. Alam
ko na lahat ng bagay ay magagawa dahil
sa kanya na siyang nagbibigay sa akin ng lakas at inspiyasyon. Salamat po
Panginoong Hesus. Salamat sa lahat. Salamat sa pag-iintindi.
Comments
Post a Comment